Ebanghelyo: Lucas 8:1-3
Pagkatapos ay naglibot si Jesus sa bawat lunsod at bayan na nangangaral at ibinabalita ang kaharian ng Diyos. Kasama niya ang Labindalawa at ilang mga babae na pinagaling sa masasamang espiritu at mga karamdaman: si Maria na tinaguriang Magdalena, na nilisan ng pitong demonyo, si Juana na asawa ni Kusa na katiwala ni Herodes, at si Susana at iba pang naglilingkod sa kanila mula sa kanilang kaya.
Pagninilay
Habang ipinagpatuloy ni Jesus ang kanyang gawain, kasama niya ang labindalawa at ilang babaeng alagad. Ang tatlo nito ay pinangalanang sina Magdalena, Juana, at Susana, at marami pang iba na hindi binanggit ang pangalan. Itinuturo sa atin na ang mga kababaihan ay tao rin at may karapatan at kakayahang maging mga alagad ni Jesus. Noong isinama ni Jesus ang mga kababaihan sa kanyang misyon ito ang kanyang pamamaraan upang ibalik ni Jesus ang kanilang niyurakang dangal bilang tao. Ito ay upang paalalahanan na tayo ay mga nilalang ng Diyos, mga kalalakihan at kababaihan at lahat tayo ay pinagpala (Gen. 1:27). May mga kultura tayong mababa ang pagtingin sa mga kababaihan. Natatandaan natin na sa muling pagkabuhay ni Jesus si Maria Magdalena ang isa rin sa unang nakakita kay Kristo na buhay. Huwag sana nating yurakan ang dangal ng mga kababaihan bagkus nararapat lamang na sila ay igalang at mahalin tulad ng pagtrato ni Jesus sa mga kababaihan noon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021