Ebanghelyo: Mateo 24:42-51
Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw ng pagdating ng inyong Panginoon. Isipin ninyo ito: kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, magbabantay siya at hindi niya pababayaang pasukin ang bahay. Kaya maging handa kayo sapagkat sa oras na hindi ninyo inaasahan darating ang Anak ng Tao.
Isipin ninyo ito: may tapat at matalinong katulong at sa kanya ipinagkatiwala ng kanyang amo ang sambahayan nito para bigyan sila ng pagkain sa tamang oras. Kung sa pagdating ng kanyang amo ay matagpuan siya nitong tumutupad sa kanyang tungkulin, mapalad ang katulong na ito. Talagang sinasabi ko sa inyo na ipagkakatiwala sa kanya ng amo ang lahat nitong pag-aari.
Sa halip ay nag-iisip naman ang masamang katulong: ‘Magtatagal ang aking panginoon.’ Kayat sinimulan niyang pagmalupitan ang mga katulong na kasama niya samantalang nakikipagkainan at nakikipag-inumang kasama ng mga lasing. Ngunit darating ang panginoon ng katulong na iyon sa oras na di niya inaasahan at sa panahong di niya alam. Paaalisin niya ang katulong na ito at pakikitunguhang gaya ng mga mapagkunwari. Doon nga may iyakan at pagngangalit ng ngipin.
Pagninilay
“Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw ng pagdating ng inyong Panginoon.” Tuwing maririnig natin ang Ebanghelyong ito, karaniwan nating mararamdaman ay pangamba at takot dahil ito ay nagsisilbing pagbabanta sa atin. Ang Panginoon ay darating sa panahong hindi tayo handa, parang isang magnanakaw sa dilim ng gabi. Ngunit kung ating titingnan, karamihan sa mga karanasan na nagpapamulat sa atin sa presensya ng Diyos ay sa mga pagkakataong hindi talaga tayo handa. Mga trahedya, kalamidad at mga hindi inaasahang pangyayari, doon kadalasan natin namamalayan ang presensya ng Panginoon. Dahil sa mga pagkakataon iyon, hindi natin kontrolado ang mga pangyayari sa ating buhay. Hindi tayo ang nagmamaneho ng sasakyan. Sa mga panahong hindi tayo handa, doon tayo may kakayanang isuko sa Diyos ang kalakasan. Doon natin maipagkakatiwala sa kalooban ng Diyos ang lahat. Ang pagiging handa ay pagkakaroon ng pusong bukas sa presensya ng Diyos sa ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021