Ebanghelyo: Juan 12:24-26
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, namamalaging nag-iisa ang butil ng trigo kung hindi ito namamatay pagkahulog sa lupa. Ngunit kung mamatay ito, nagdudulot ito ng maraming bunga.
Nagpapahamak ng Kanyang sarili ang umiibig dito ngunit iingatan naman ito para sa buhay magpakailanman ng napopoot sa Kanyang sarili sa mundong ito.
Patuloy akong sundan ng naglilingkod sa akin at kung nasaan ako, naroon din ang aking lingkod. Kung may naglilingkod sa akin, pararangalan Siya ng Ama.
Pagninilay
Ang pagkamatay noon ni Fr. Rhoel Gallardo, CMF ay nag-iwan ng katanungan sa aming ginagawang vocation promotion: meron pa bang mga batang mahihikayat na umanib sa aming kongregasyon sa gitna ng trahedyang iyon? Iniisip ko noon na maaaring marami na ang matatakot ngunit akoy nagkamali. Sa mga sumunod na taon ay mas dumami ang tumugon sa paanyaya ng Panginoon. Ang pagkamatay ni Fr. Rhoel sa kamay ng mga Abu Sayyaf ang naging daan upang magbigay buhay lalo na sa Kongregasyon. Mas lalong nag-alab ang puso ng mga misyonero na tumugon sa tawag ng Panginoon. Hindi natin kinakailangang mamatay ng literal upang tayo ay makapagbigay ng buhay. Ang paglalaan ng panahon para sa mga kapus-palad at ang pagtugon sa pangangailangan ng iba ay isang daan ng pagdurugtong sa buhay ng ibang tao.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021