Ebanghelyo: Mateo 17:22-27
Minsan nang maglakbay si Jesus sa Galilea kasama ang Labindalawa, sinabi Niya sa kanila: “Ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. Papatayin nila Siya ngunit babangon Siya sa ikatlong araw.” Kaya lubha silang nalungkot.
Nang makapasok na sila ng Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga tagakolekta sa Templo at tinanong nila siya: “Nagbabayad ba ng buwis ang guro ninyo?” Sumagot siya: “Siyempre.”
At pumasok si Pedro sa bahay ngunit agad siyang tinanong ni Jesus: “Ano sa palagay mo, Simon? Sino ang nagbabayad ng buwis o parangal sa mga hari ng mundo: ang mga anak ba o ang iba?”
Sumagot si Pedro: “Ang iba.” At sinabi ni Jesus: “Kung gayon, di-saklaw ang mga anak. Ngunit hindi rin natin dapat saktan ang mga taong ito kaya pumunta ka sa dagat, maghagis ng bingwit at buksan ang bibig ng unang isdang iyong mahuhuli. May pera kang matatagpuan doon, kunin mo iyon at magbayad ka para sa iyo at sa akin din.”
Pagninilay
Lubos na pagkamangha ang ating nararanasan sa tuwing makakakita tayo ng simbahang malalaki at napakagaganda ng architectural designs. Isa ito sa mga rason kung bakit naaakit ang maraming taong sumimba na para sa ilan ay nagiging “tourist destination” na lamang. Ngunit ang tanong: Sino nga ba ang nag uugnay sa mga tao upang magkatipon tipon? Ang Istruktura ba o ang Diyos? Napakaimportanteng pagnilayan natin ang bagay na ito dahil kailangan nating alalahanin na sa pagdating ni Jesus noon, hindi na ang templo ang sentro ng komunidad ng Diyos. Ang templo ay pinalitan na ng bagong komunidad na ang puno ay si Jesus. Ang kanilang ibinabayad na buwis noon ay patunay ng kanilang pagiging tapat sa templo bilang sentro ng kanilang buhay. Ngunit ngayon, ang katapatan natin ay inaasahang maipamalas natin sa ating Panginoong Jesucristo. Hindi istruktura ng simbahan ang mag-uugnay sa atin kundi si Jesus mismo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021