Ebanghelyo: Mateo 13: 44-46
Naihahambing ang kaharian ng Langit sa kayamanang nakatago sa isang bukid. Kung may makakita nito, ibabaon niya ito uli; at dahil sa kanyang kaligayahan, ipinagbibili niya ang lahat niyang ari-arian, at binibili niya ang bukid.
Naihahambing din naman ang kaharian ng Langit sa isang negosyanteng naghahanap ng magagandang perlas. Pagkakita niya ng isang perlas na napakalaki ang halaga, umalis siya at ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili ang perlas.
Pagninilay
May mga bagay tayong kailangang isakripisyo para sa higit na mabuti. Sa ebanghelyo, ang lahat ng ari-arian ay ipinagbili makuha lamang ang kayamanan sa bukid at ganoon din ang kwento ng negosyante upang mabili ang perlas. Sa ating buhay, may mga kailangan din tayong iwanan para sa ating mas makabuluhang paglalakbay. Ito marahil ay mga makamundong bagay na akala natin ay mahalaga. Mula sa simplang bagay na kailangan nating isakripisyo ang paggamit ng gadgets at pagbababad sa social media para magkaroon ng quality time kasama ang mga mahal sa buhay; hanggang sa halip na magpunta ng shopping malls at kumain sa labas, tayo ay maglaan ng oras upang makapagsimba bilang isang pamilya. Ang kaharian ng Diyos ay maaari nating simulan sa buhay natin ngayon. Ang pagpapahalaga sa pamilya at sa mga nangangailangan, at ang pananampalataya sa Diyos ang ating pahalagahan kasya sa mga bagay na nagdudulot lamang ng makamundong kasiyahan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021