Ebanghelyo: Mateo 10:1-7
Tinawag ni Jesus ang labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman.
Ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: una, si Simong tinatawag na Pedro, at ang kanyang kapatid na si Andres; si Jaime na anak ni Zebedeo, at ang kapatid nitong si Juan; sina Felipe at Bartolome, Tomas at Mateo, na tagasingil ng buwis; si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo; si Simong Kananeo, at si Judas Iskariote na magkakanulo sa kanya.
Sinugo ni Jesus ang labindalawang ito at pinagbilinan: “Huwag kayong lumiko papunta sa mga pagano at huwag pumasok sa bayang Samaritano. Hanapin ninyo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel.
Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang kaharian ng Langit.’
Pagninilay
“Palapit na ang kaharian ng langit.” Tuwing maririnig natin ang salitang ‘kaharian’ inaakala natin na ito ay isang magarbong lugar at napakahirap abutin. Ngunit ang tinawag ni Jesus bilang alagad ay mga karaniwang tao. Sa ating panahon, maaari nating sabihing mahirap ipagkatiwala sa kanila ang ating ‘kaharian’. May mga taong araw-araw nating nakakasalamuha kagaya ng driver ng jeep, tindera sa kanto, messenger sa opisina na hindi natin pinagtutuunan ng pansin. Ngunit tinatawag ng Diyos ang mga karaniwang tao upang maging instrumento sa ating kaligtasan. Sa ating paglalakbay sa buhay, maging sensitibo nawa tayo sa mga karaniwang tao, ordinaryong pagkakataon at pamilyar na lugar, dahil maaaring naroroon ang daan patungong kaharian ng langit.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021