Ebanghelyo: Mateo 8:28-34
Pagdating ni Jesus sa lupain ng Gadara sa kabilang ibayo, sinalubong siya ng dalawang lalaking inaalihan ng demonyo, na galing sa mga libingan. Napakabangis nila kayat walang makadaan doon. Bigla silang sumigaw: “Ano ang kailangan mo sa amin, ikaw na Anak ng Diyos! Pumarito ka ba para pahirapan kami bago sumapit ang panahon?”
Sa may di-kalayua’y maraming baboy na nanginginain. Kaya hiniling sa kanya ng mga demonyo: “Kung palalayasin mo kami, ipadala mo kami sa mga baboy.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Umalis kayo.” Kaya pagkalayas ng mga demonyo’y pumasok ang mga ito sa mga baboy – at hayun! nahulog sa bangin ang lahat ng baboy papuntang dagat, at nalunod na lahat.
Tumakas naman ang mga nagbabantay sa mga baboy. Pagdating nila sa bayan, ipinamalita nila ang lahat at kung ano ang nangyari sa mga inaalihan ng mga demonyo. Kaya lumabas ang buong bayan para salubungin si Jesus; at pagkakita nila sa kanya, hiniling nilang umalis siya sa kanilang lugar.
Pagninilay
May biro na nagsasabing “mabuti pa ang demonyo kaysa sa tao, dahil ang demonyo ay marunong sumunod sa Diyos!” Maaaring ito ay biro ngunit may tinataglay itong katotohanan. Sa ebanghelyong ito ay makikita natin ang pagkilala at pagkatakot ng demonyo kay Jesus bilang Anak ng Diyos at dahil dito ay tumalima siya sa utos ni Jesus. Kung ang mga demonyo ay kumikilala sa Diyos, tayo pa kayang mga anak niya? Tayong lahat at makasalanan at nagtataglay ng maraming kahinaan ngunit kailangan din nating tandaan na tayo ay ginawang kawangis ng Diyos. Kung tayo ay nakagagawa ng mga hindi kaaya-ayang bagay, mas higit tayong may kakayahang gumawa ng kabutihan. Nawa ay hindi maging hadlang ang ating pagkamakasalanan sa pagsunod natin sa Diyos. Si Jesus ay naparito para sa atin at bilang mga makasalanan, siya lamang ang pwede nating takbuhan at asahan. Kinakailangang kumapit lamang!
© Copyright Pang Araw-Araw 2021