Ebanghelyo: Juan 19:31-37
Dahil paghahanda noon, ayaw ng mga Judio na mamalagi sa krus ang mga katawan sa Araw ng Pahinga sapagkat dakilang araw ang Araw na iyon ng Pahinga. At ipinakiusap nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nasa krus at saka alisin.
Kaya pumaroon ang mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng una at ng isa pang kasama niyang ipinako sa krus. Ngunit pagsapit nila kay Jesus, nakita nilang patay na siya kaya hindi nila binali ang kanyang mga binti. Gayunma’y sinibat ng isa sa mga sundalo ang kanyang tagiliran, at biglang may umagos na dugo at tubig. Ang nakakita ang nagpapatunay, at totoo ang kanyang patunay. At Siya ang nakaaalam na totoo ang sinasabi niya para maniwala kayo.
Gayon kailangang maganap ang Kasulatan: Walang babaliin sa kanyang mga buto. At sinasabi ng isa pang Kasulatan: Pagmamasdan nila ang kanilang sinibat.
Pagninilay
Sa tuwing makikita natin ang imahe ni Jesucristo na nagpapakita ng kanyang pusong nagniningas, tayo ay pinapaalalahanan na buksan din natin ang ating kalooban sa pag-ibig ng Diyos sa atin. Mas magiging epektibo tayong tagapagpahayag ng Mabuting Balita kung ang ating ginagawa ay nakaugat sa pag ibig na ipinamamalas sa atin ng Diyos. Nasa sentro ng dibdib natin ang ating puso na sumasagisag din ng ating buhay. Ganoon din ang Panginoong Jesucristo, nawa ay manatili siyang tuburan ng ating buhay. Katulad ng kanyang mahabaging puso, taglayin sana rin natin ito nang sa gayon ay makapagbigay buhay din tayo si iba sa paraan ng ating pananalita at pakikituring sa kanila lalong-lalo na sa mga dukha.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021