Ebanghelyo: Mateo 5:20-26
Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa sa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit.
Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay lilitisin. Sinasabi ko naman sa inyo: Ang sinumang magalit sa kanyang kapatid ay lilitisin. Ang sinumang manuya sa kanyang kapatid ay lilitisin sa Sanggunian. At ang sinumang manghiya sa kanyang kapatid ay nararapat lamang itapon sa apoy ng impiyerno. Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan mo ang iyong kapatid para makipagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialay ang iyong hain sa Diyos.
Makipagkasundo na sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulisya na magkukulong sa iyo. Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas hangga’t di mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.
Pagninilay
Ang mga katagang binitawan ni Jesus ay ang daan patungo sa kabanalan at ito ay matatagpuan sa aklat ng Levitiko. Kadalasan kapag pinag-usapan natin ang kabanalan, ang una agad na maiisip natin ay pagiging madasalin, puro, at hindi makamundo. Ngunit ito ay mababaw na pagtingin sa kabanalan dahil ang totoong kabanalan ay may kinalaman sa ating pag-ibig sa kapwa. Baka tayo ay katulad lamang ng nasa kantang “banal na aso, santong kabayo” – nagdarasal habang nagmumura, naglalakbay ngunit naninipa ng kapwa. Hindi lamang nalilimita ang kabanalan sa simbahan bagkus ay sa mga ordinaryong kaganapan sa ating buhay at sa ating relasyon sa kapwa-tao.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021