Ebanghelyo: Juan 21:15-19
Pagkapag-almusal nila, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro: “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako nang higit sa pagmamahal nila?” Sinabi nito sa kanya: “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” Sinabi sa kanya: “Pakanin mo ang aking mga kordero.” Sinabi sa kanyang makalawa: “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Sinabi nito sa kanya: “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” Sinabi sa kanya: “Ipastol ang aking mga tupa.” Sinabi sa kanyang makaitlo: “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?”
Nalungkot na si Pedro dahil makaitlo siyang sinabihan: “Iniibig mo ba ako?” kaya sinabi niya: “Panginoon, ikaw ang nakaaalam ng lahat; alam mong iniibig kita.” Sinabi nito sa kanya: “Pakanin mo ang aking mga tupa.
Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, nang bata-bata ka pa, ikaw mismo ang nagbibigkis sa iyong sarili at palakadlakad ka saan mo man naisin. Ngunit pagtanda mo’y ididipa mo naman ang mga kamay mo, at iba ang magbibigkis sa iyo sa hindi mo nais.” Sinabi ito ni Jesus sa pagbibigay-tanda sa paraan ng kamatayang ipanluluwalhati ni Pedro sa Diyos. At pagkatapos nito ay sinabi niya: “Sumunod ka sa akin!”
Pagninilay
Sa ating paglilingkod sa Diyos at sa ating kapwa ay may mga papuri tayong natatanggap mula sa ibang tao. Napakasarap pakinggan ang mga magagandang komento patungkol sa ating mga trabaho at pagsisikap. Ngunit kinakailangan din tayong mag matyag dahil nandoon lagi ang tukso ng tinatawag nating pagbubuhat ng sariling bangko. Minsan ay nalilimutan natin na ang Diyos ang kailangang ipahayag at hindi ang ating sarili. Katulad na lamang ng nangyari kay Perdro, siya ay inatasan na mamuno sa sambayanang Kristiyano ngunit siya ay nagsisilbing katiwala at hindi ang may ari. Taglayin nawa natin ang kababaang- loob sa ating paglilingkod at isipin lagi na ito ay trabaho ng Diyos at tayo’y kasangkapan lamang.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021