Ebanghelyo: Juan 17:20-26
Hindi lamang sila ang ipinapakiusap ko kundi pati ang mga nananalig sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita. Maging iisa sana ang lahat kung paanong nasa akin ka, Ama, at ako’y nasa ‘yo. Mapasaatin din sana sila upang maniwala ang mundo na ikaw ang nagsugo sa akin.
Ibinigay ko naman sa kanila ang luwalhating ibinigay mo sa akin upang maging isa sila gaya nang tayo’y iisa: ako sa kanila at ikaw sa akin. Kaya magaganap sila sa kaisahan, at makikilala ng mundo na ikaw ang nagsugo sa akin, at minahal ko sila kung paanong minahal mo ako.
Ama, sila ang ibinigay mo sa akin kaya niloloob kong kung nasaan ako’y makasama ko rin sila at mapansin nila ang bigay mo sa aking kaluwalhatian ko sapagkat minahal mo ako bago pa man nagkaroon ng mundo.
Makatarungang Ama, hindi ka kilala ng mundo: kilala naman kita at kilala rin ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinagbigay-alam ko sa kanila ang Ngalan mo at ipinagbibigay-alam pa upang mapasakanila ang pagmamahal mo sa akin at ako ri’y mapasakanila.”
Pagninilay
Ipinakita sa atin ng ating Panginoong Jesucristo ang marka ng isang tunay na lider sa pamamagitan ng kanyang pangwakas na panalangin. Tinuruan Niya tayo kung papaano isabuhay ang habag at awa sa ating kapwa, ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mahihirap, at lalo’t higit ay ang pagbibigay niya ng buhay para sa kaligtasan ng lahat. Tayo ba ay may kakahayahan ding lumabas sa ating sarili upang makita ang kundisyon ng ating kapwa? Nagiging tulay ba tayo ng pagkakaisa ng ating komunidad? Gawin natin nawang modelo ng ating buhay ang Panginoong Jesucristo. Maging kawangis nawa Niya tayo sa ating pagdadala ng Mabuting Balita sa ating kapwa-tao.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021