Ebanghelyo: Juan 16:5-11
Ngayon nama’y papunta ako sa nagpadala sa akin, at wala sa inyong nagtatanong sa akin kung saan ako papunta, kundi tigib ng lungkot ang inyong puso dahil sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito.
Ngunit sinasabi ko sa inyo ang katotohanan: makabubuti sa inyong ako’y umalis sapagkat kung hindi ako aalis. hinding-hindi darating sa inyo ang Tagapagtanggol. Kung aalis naman ako, ipadadala ko siya sa inyo. At pagdating niya, hihiyain niya ang mundo tungkol sa kasalanan, sa daan ng pagkamatuwid at sa paghatol.
Ito ang kasalanan: hindi sila nananalig sa akin. Ito ang daan ng pagkamatuwid: sa Ama ako papunta, at hindi na ninyo ako mapapansin. At hinatulan na ang pinuno ng mundong ito: ito ang paghatol.
Pagninilay
Ang bawat kwento na ating nababasa sa libro o napapanood sa telebisyon o sine ay kadalasang may “the end” na nakalagay sa huling pahina o katapusan ng pelikula. Ngunit ang kwento ng pagbalik ni Jesucristo sa kanyang Ama sa langit ay hindi nangangahulugan ng katapusan kundi “may karugtong”. Bagamat hindi na makikita si Jesus sa kanyang pisikal na kaanyuan ay magpapatuloy ang ugnayan Niya sa Ama at sa atin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Binansagan ni Jesus ang Espiritu Santo bilang ating Tagapagtanggol na s’yang huhusga sa mga maling gawi at maling pagpapahalaga ng mundo. Nangangahulugan ito na bilang mga Kristiyano at tulad ni Kristo, tayo ay inaanyayahan na gawing tahanan ang mundo na puno ng turo at aral ni Kristo. Tandaan natin na tayo ay nasa mundo ngunit hindi dapat tayo magpaka mundo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021