Ebanghelyo: Juan 15:18-21
Kung napopoot sa inyo ang mundo, alamin n’yo na sa akin muna ito napoot bago sa inyo. Kung kayo’y makamundo, inibig na sana ng mundo ang sariling kanya. Ngunit dahil hindi kayo makamundo kundi hinirang ko kayo mula sa mundo kaya napopoot sa inyo ang mundo.
Tandaan ninyo ang salitang sinabi ko sa inyo: ‘Walang lingkod na mas dakila sa kanyang panginoon.’ Di ba’t inusig nila ako? Uusigin din kayo. Tinupad ba nila ang aking salita? Gayon din nila tutuparin ang sa inyo. Gagawin nila sa inyo ang lahat ng ito dahil sa aking pangalan sapagkat hindi nila nakikilala ang nagpadala sa akin.
Pagninilay
Madaling basahin at intindihin ngunit mahirap tanggapin at isabuhay ang mga turo ni Jesucristo. Ipinapaalala sa atin ni Jesus na kung totoong tagasunod niya tayo, handa rin dapat tayong danasin ang kanyang mga naranasan katulad na lamang ng persekusyon at iba pang mga suliranin ng buhay. Isinabuhay ni Jesus ang kanyang mga itinuro at itinuro niya din ang kanyang mga gawa. Bilang mga Kristiyano, inaanyayahan tayong maging tapat at totoo sa ating mga ipinahahayag ukol sa mga turo ni Jesus. Nilalakaran ba natin ang mismong daan ni Jesus habang tayo ay nagpapahayag ng Mabuting Balita o gumagawa tayo ng sariling daan na taliwas sa ating mga sinasabi? Hindi tayo makakarating sa ating destinasyon kung iba ang ating sinasabi sa ating ginagawa. “Walk the talk” ika nga.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021