Ebanghelyo: Juan 14:27-31a
Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo; kapayapaan ko ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng mundo ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, ni panghinaan ng loob. Narinig ninyong sinabi ko sa inyo. ‘Paalis ako pero pabalik ako sa inyo.’ Kung minahal ninyo ako, magagalak kayo’t papunta ako sa Ama pagkat mas dakila sa akin ang Ama. Ngunit sinabi ko ito ngayon sa inyo bago pa mangyari ito.
Hindi ko na kayo kakausapin nang mahaba sapagkat parating na ang pinuno ng mundo. Walang anumang Kanya sa akin ngunit dapat malaman ng mundo na mahal ko ang Ama, at ayon sa iniutos sa akin ng Ama, ito mismo ang aking ginagawa.
Pagninilay
Sa huling diskurso ni Jesus sa kanyang mga disipulo ay nag iwan Siya ng isang regalo – ang kapayapaan. Para sa mundo at sa pag-iisip ng mga tao sa kasalukuyang panahon, ang kahulugan ng kapayapaan ay pagkawala ng giyera o away, malayang pag gawa sa mga bagay-bagay, o ang pamamahinga sa kabilang buhay. Ngunit ang kapayapaang pinapatungkulan dito ni Jesus ay ang kalinisan ng ating konsensya sa pagiging tapat natin sa Diyos, ang pagtatrabaho natin para sa pagkakamit ng hustisya, ang bukal sa puso na pagsunod sa kalooban ng Diyos, at ang pag-ibig natin para sa isat-isa. Makakaramdam at makararanas tayo ng tunay na kapayapaan kung masasalamin natin ang presensiya ng Diyos sa ating kapwa sa ating pang araw-araw na pamumuhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021