Ebanghelyo: Juan 14:7-14 (o Mateo 13:54-58)
Kung kilala ninyo ako, makikilala rin ninyo ang aking Ama. Ngunit ngayon, kilala n’yo na Siya at nakita ninyo siya.” Sinabi sa Kanya ni Felipe: “Panginoon, ipakita mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” Sinabi sa Kanya ni Jesus: “Ang tagal na panahon n’yo akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang Ama ang nakikita Niya. Paano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama’?
“Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at Siya ang gumagawa ng Kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa.
“Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa rin ng nananalig sa akin ang gawang ginawa ko; at mas dakila pa kaysa mga ito ang gagawin Niya. Sapagkat sa Ama ako papunta. Anumang hingin n’yo sa Pangalan ko’y gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa Anak. At kung may hingin kayo sa akin sa Pangalan ko, gagawin ko.”
Pagninilay
Ang kapiyestahang ito ni San Jose Manggagawa ay nag uudyok sa atin na magnilay sa isang dimensiyon ng ating buhay – ang ating trabaho o pag gawa. Kung ang ating trabaho ay nagsisilbing hadlang sa paglago sa ugnayan natin sa Diyos at sa ating kapwa, ito ay nagsisilbing dagok o pabigat lamang sa ating paglalakbay bilang Kristiyano. Ngunit kung ang ating pagsusumikap at pag gawa ay may kaakibat na sakripisyo at ligaya sa paglilingkod, ito ay magtutulak sa atin sa buhay ng kabanalan. Lagi nawa nating maisaisip na kahit pa may karampatang bayad ang ating pag gawa sa ilang pagkakataon, hindi lamang ito trabaho na ang katapat ay salapi ngunit ito ay misyon at tawag ng Diyos sa atin na dapat lamang nating tugunin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021