Ebanghelyo: Juan 6:30-35
Kaya sinabi nila sa kanya: “At anong tanda ang matatrabaho mo para makita nami’t maniwala kami sa iyo? Ano ba’ng gawa mo? Kumain ng manna sa disyerto ang aming mga ninuno ayon sa nasusulat: Binigyan sila ng tinapay mula sa langit at kumain sila.
Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay mula sa Langit; ang Ama ko ang nagbibigay sa inyo ng totoong tinapay mula sa Langit. Ang tinapay ng Diyos ang pumapanaog mula sa Langit at nagbibigay- buhay sa mundo.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Lagi n’yo pong ibigay sa amin ang tinapay na ito.”
Sinabi ni Jesus sa kanila: “Ako siyang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hindinghindi mauuhaw kailanman ang nananalig sa akin.
Pagninilay
Karaniwang pag-aakala na kung makamtan mo na ang yaman at salapi, kung maging matagumpay na at malayo ang marating sa buhay, ay makakamtan mo na ang tunay na kaligayahan. Subalit sa karanasan ng mga nasa tuktok na ng tagumpay, palaging may kulang at puwang sa puso. Hindi pa rin napapawi ng anumang tagumpay ang gutom at uhaw ng kaluluwa. Patuloy na hinahanap ang tunay na makapagpapaligaya. Sa bandang huli, tanging ang Panginoon lamang ang syang makapupuno sa pagnanais ng ating mga puso. “Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hinding-hindi mauuhaw kailanman ang nananalig sa akin.” Dalawang bagay ang marapat nating gawin: lumapit at manalig sa Kanya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021