Ebanghelyo: Juan 11:45-56
Kaya nanalig sa kanya ang marami sa mga Judiong pumunta kay Maria at nakasaksi sa kanyang ginawa. Pumunta naman sa mga Pariseo ang ilan sa kanila at sinabi ang mga ginawa ni Jesus.
Kaya tinipon ng mga punong-pari at ng mga Pariseo ang Mataas na Sanggunian (o Sanhedrin) at sinabi: “Ano’ng gagawin natin? Marami siyang ginagawang mga tanda. Kung pababayaan natin siyang paganito, mananalig sa kanya ang lahat at darating ang mga Romano at buburahin kapwa ang ating Banal na Lugar at ang ating bansa.”
At isa sa kanila, si Caifas na Punong-pari sa taong iyon, ang nagsabi: “Wala kayong kaalam-alam. Ni hindi n’yo naiintindihan na mas makabubuti sa inyo na isang tao ang mamatay alang-alang sa sambayanan kaysa mapahamak ang buong bansa.”
Hindi sa ganang sarili niya ito sinabi kundi bilang Punongpari sa taong iyon nagpropesiya siyang mamamatay nga si Jesus alang-alang sa bansa, at hindi lamang alang-alang sa bansa kundi upang tipunin din at pag-isahin ang mga nakakalat na anak ng Diyos.
Kaya mula sa araw na iyon, pinagpasyahan nilang patayin siya. Kaya hindi na lantarang naglibot si Jesus sa mga Judio, kundi umalis siya roon patungo sa lupaing malapit sa disyerto, sa isang bayang Efraim ang tawag, at doon siya tumigil kasama ang mga alagad.
Ngayon, malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon pa-Jerusalem ang marami mula sa lalawigan bago mag- Paskuwa upang maglinis ng sarili. Hinahanap nila si Jesus at nang nasa templo na sila, sinabi nila sa isa’t isa: “Ano sa tingin ninyo? Hindi nga siya paririto sa piyesta?”
Pagninilay
Tinitipon ng isang mabuting pastol ang kanyang mga tupa. Hahanapin nya ang mga nawawalay at nawawala at muli silang ibabalik sa kawan. Ang mga naliligaw ng landas at ang mga nawala sa kasalanan ay panunumbalikin ng pagmamahal ng Panginoon. Ang dakilang pag-ibig na ito ni Jesus hanggang kamatayan sa Krus ay naganap “upang tipunin at pag-isahin ang mga nakakalat na anak ng Diyos.” Misyon din natin bilang mga tagasunod ni Kristo na hanapin, tipunin at muling ibalik sa kawan ang mga kapatid nating malayo sa Panginoon. Hindi sa kung ano pa mang mga pangaral o idoktrinasyon ang makakapagpanumbalik sa kanila kung hindi ang ating taos pusong pagmamahal at tunay na pag-aaruga sa kanila ng walang anumang panghuhusga.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021