Ebanghelyo: Mateo 23:1-12
At sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad: “Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises. Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi pero huwag silang pamarisan sapagkat nagsasalita sila pero hindi naman ginagawa. Naghahanda sila ng mabibigat na pasanin at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Ngunit hindi nila ikinikilos ni isang daliri para galawin ang mga iyon. Pakitang-tao lamang ang lahat nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso ng Kasulatan ang gusto nila para sa kanilang noo, at mahahabang palawit sa kanilang balabal. Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga piging at sa sinagoga. Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag na guro ng mga tao.
“Huwag kayong patawag na guro sapagkat iisa lamang ang Guro ninyo at magkakapatid kayong lahat. Huwag din ninyong tawaging ama ang sinuman sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. Huwag din kayong patawag na gabay sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay, si Kristo. Maging alipin ninyo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa ang nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa.”
Pagninilay
Pakitang-tao lamang. Matapos na mapansin at bigyang pugay ng ibang tao ang ginagawang mabuting bagay, doon na natatapos ang paggawa nito. Madalas, kung tapos na itong makunan ng larawan at naipamalita na sa iba, nakakuha na ng maraming likes at comments sa social media, hindi na ito masusundan pa. Matapos ang papuri, paghanga at palakpak ng iba, sapat na ang lahat ng iyon upang maging masaya. Subalit ang tunay na kabutihan, ang tunay na paglilingkod at ang tunay na kabanalan ay hindi naghahangad na kalugdan ng ibang tao. Hindi ito nagtatampo kahit na hindi mapansin at bigyang halaga ng iba. Hindi malaking usapin kung makalimutan mang banggitin ang pangalan o di kaya’y hindi mapasalamatan sa publiko. Kung hindi man, ito’y magiging pakitang-tao lamang.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021