Ebanghelyo: Mateo 5:43-48
Narinig na ninyo na sinabi: Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin ninyo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang mga umuusig sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak niya ang ulan sa kapwa makatarungan at di-makatarungan.
Kung mahal ninyo ang nagmamahal sa inyo, bakit kayo gagantimpalaan? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga kolektor ng buwis? At kung ang mga kapatid ninyo lamang ang inyong binabati, ano ang naiiba rito? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano?
Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.
Pagninilay
Hindi lubos maisip ng karamihan kung papaanong sa harap ng kamatayan sa kamay ng kaaway, nagawa pa rin nilang magpatawad at ipanalangin ang mga umuusig sa kanila. Katulad ng napakaraming banal na martir ng Simbahan, ito rin ang halimbawa ng mga Claretianong Martir na nag-alay ng kanilang buhay sa panahon ng Digmaang Sibil sa Espanya noong 1936. Karamihan sa kanila ay mga seminarista na nasa kanilang kabataan. Sa pamantayan ng tao ay lubhang napakahirap lalo pa’t may dahilan upang magalit at kamuhian ang isang taong sa iyo ay nagtaksil, umuusig, nananakot at umaabuso, mga taong itinuturing na kaaway. Hindi madali subalit ito’y isang biyaya na marapat hilingin sa Panginoon. Alalahaning tayo’y nauna nang minahal at pinatawad. Ipanalanging tayo’y bigyan ng isang pusong bukas sa pagmamahal at pagpapatawad.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021