Ebanghelyo: Mateo 7:7-12
Humingi at kayo’y bibigyan; maghanap at matatagpuan ninyo; kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo. Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakakita ang naghahanap, at pagbubuksan ang kumakatok. Sino sa inyo ang magbibigay ng bato sa kanyang anak kung tinapay ang hinihingi nito? Sino ang magbibigay ng ahas kung isda ang hinihingi nito? Kahit masama kayo, marunong kayong magbigay ng mabuting bagay sa inyong mga anak. Gaano pa kaya ang inyong Amang nasa Langit? Magbibigay siya ng mabubuting bagay sa mga hihingi sa kanya.
Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin sa inyo, ito ang nasa Batas at Mga Propeta.
Pagninilay
Nahihiya tayo minsan humingi sapagkat maaari tayong tanggihan. Nagaalangan tayong maghanap ‘pagkat maaaring wala tayong matagpuan. Natatakot tayong kumatok dahil baka hindi tayo pagbuksan ng pintuan. Ayaw nating mabigo, mapahiya, tanggihan at hindi bigyang pansin. Bagama’t may kasiguraduhan tayo mula kay Jesus na tayo’y pagbibigyan, makakatagpo at pagbubuksan, tunay na hamon sa atin ang maging mapagpakumbaba sa harapan ng Ama. May kababaangloob tayong lumuluhog sa kanya sa ating mga panalangin at handang tanggapin anuman ang kanyang ipagkakaloob. Maging tulad nawa tayo ng mga batang nagtitiwalang ipagkakaloob ng butihing magulang ang kanilang kinakailangan. Mapagbigay ang ating Ama!
© Copyright Pang Araw-Araw 2021