Ebanghelyo: Mateo 6:1-6, 16-18
Pag-ingatang huwag maging pakitang-tao lamang ang inyong mabubuting gawa. Kung ganito ang gagawin ninyo, wala na kayong gantimpala sa inyong Amang nasa langit. Kaya pag nagbibigay ka ng limos, huwag pahipan ang trumpeta sa unahan gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa sinagoga at sa mga daan; gusto nilang mapuri ng mga tao. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto.
Kaya kung ikaw naman ang magbibigay ng limos, huwag ipaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; at mananatiling lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Amang nakakakita sa mga lihim ang siyang ga-gantimpala sa iyo.
Kung mananalangin kayo, huwag ninyong tularan ang mga mapagkunwari. Gustung-gusto nilang tumayo sa mga sinagoga o sa mga daan para manalangin nang nakikita ng marami. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala sa iyo.
Pag mag-aayuno kayo, huwag magpakita ng lungkot sa mukha gaya ng mga mapagkunwari. Nagpapakita sila ng lungkot sa mukha para makita ng tao na nag-aayuno sila. Talagang sinasabi ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. Kung ikaw naman ang mag-aayuno, maghilamos at ayusin ang sarili sapagkat hindi ka nag-aayuno para pakitang-tao lamang kundi para sa iyong Amang nakakakita sa lahat. At gagantimpalaan ka ng iyong Amang nakakakita sa lahat ng lihim.
Pagninilay
Anumang bagay na bukal at taos na nanggagaling sa puso ay hindi na naghahangad na mapansin at bigyang pagkilala at papuri ng iba. Ang gantimpalang hinahanap nito ay ang mismong kaligayahan at kapayapaan na nanggagaling mismo sa kabutihan ng puso. Tanging Diyos lamang ang makapagbibigay niyon sapagkat siya lamang ang nakakakita sa kalooban ng ating puso. Ngayong simula ng Panahon ng Kuwaresma, ang ating mga gawangawa ng paglilimos, mga panalangin at pag-aayuno ay magkakaroon lamang ng tunay na kahulugan kung ang mga ito’y nagmumula sa ating mga puso. Ito’y hindi pagpapakitang- tao. Hindi para sa tao kundi para sa Diyos. Maging kalugod- lugod sa mata ng Diyos kahit hindi bigyang puri ng tao.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021