Ebanghelyo: Marcos 8:14-21
Nakalimutan nilang magdala ng tinapay at isa lang ang dala nila sa bangka. At pinagsabihan sila ni Jesus: “Magingat at huwag magtiwala sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes.” At sinabi ng mga alagad sa isa’t isa: “Oo nga, ano? Wala tayong dalang tinapay.”
Alam ni Jesus ang mga ito kaya sinabi niya sa kanila: “Bakit ninyo pinag-uusapan ang tinapay na wala sa inyo? Hindi pa ba ninyo maisip at maunawaan? Mapurol ba ang inyong pag-iisip? May mata kayong di nakakakita at may taingang di nakakarinig? Hindi na ba ninyo naaalala nang pinira-piraso ko ang limang tinapay para sa limang libo, ilang basket na puno ng mga pira-piraso ang inyong naipon?” At sumagot sila: “Labindalawa.” “At nang may pitong tinapay para sa apat na libo, ilang bayong na puno ng mga pira-piraso ang inyong naipon?” At sumagot sila: “Pito.” At sinabi ni Jesus: “Hindi pa ba ninyo nauunawaan?”
Pagninilay
Sa kabila ng dalawang beses na himala ng pagpapakain sa libo-libung tao na kanilang nasaksihan, hindi pa rin lubos na maunawaan ng mga alagad ang nais iparating ni Jesus. Hindi sapat na maging saksi sa mga kamangha-manghang bagay na gawa ng Panginoon. Sa kabila ng mga pangyayaring ito, ano ang nais ipahiwatig ng Panginoon? Sa pagkakaligtas ko sa kapahamakan, nangungusap sa akin ang Panginoon. Sa paggaling ko sa aking karamdaman, may mensahe sa akin ang Panginoon. Sa pagtagumpay ko sa matinding pagsubok, may ipinararating sa akin ang Panginoon. Nangungusap ang Panginoon sa mahahalagang pangyayari sa ating buhay. Makikita at maririnig at tuluyan nating mauunawaan ang nais ng Panginoon kung tayo’y may mata at tainga ng pananampalataya. Magmasid at makinig.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021