Ebanghelyo: Marcos 6:53-56
Pagkatawid nila, dumating sila sa pampang ng Genesaret at doon nila isinadsad ang bangka. Paglunsad nila ng bangka, nakilala si Jesus ng mga tagaroon at patakbo nilang ipinamalita ito sa lupaing iyon. Kaya dinala nila ang mga maysakit na nasa higaan kung saan nila mabalitaang naroon siya. At saanman siya lumakad, sa mga nayon man o sa bayan o sa bukid, inilalagay nila sa mga liwasan ang mga maysakit at nakikiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito.
Pagninilay
Nasa stage 4 na ang sakit na cancer of the bones ni Mabel. Labis na takot at kalungkutan ang naramdaman hindi lamang ni Mabel kundi ng kanyang buong pamilya, mga kamag-anak at malalapit na kaibigan. Bagama’t hindi madali kay Mabel na suungin ang kalbaryong ito lalo’t higit sa kanyang kabataang edad, hindi siya pinanghinaan ng loob sapagkat batid niyang napapalibutan siya ng mga taong nagmamahal sa kanya. Madalas silang magtipon sa kanilang tahanan upang samasamang magdasal, magnilay, at mag-alay ng papuri sa Diyos. Sila ang mga taong gaya sa Ebanghelyo ay nagdadala sa kanilang maysakit kay Jesus. Ang kanilang pagtitipong iyon ay pagpapahayag ng kanilang pananampalataya at pag-asa na si Jesus lang ang tanging makapagpapagaling sa kanya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021