Ebanghelyo: Marcos 4:1-20
Muli siyang nagsimulang magturo sa tabing-dagat at marami ang nagkatipon sa Kanya. Kaya sumakay Siya sa bangka at naupo. Nasa dagat Siya at nasa tabing-dagat naman ang lahat. At marami siyang itinuro sa kanila sa tulong ng mga talinghaga. Sinabi Niya sa kanila sa Kanyang pagtuturo: “Makinig kayo! Lumabas ang manghahasik para maghasik. Sa Kanyang paghahasik, may butong nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga iyon. Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan at mababaw ang lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa. Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init at sapagkat walang ugat, natuyo ito. Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman at hindi namunga. Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga sa paglaki at paglago. May nagbunga ng tatlumpu, animnapu ang iba at sandaan ang iba pa.”
At idinagdag ni Jesus: “Makinig ang may tainga!” Nang wala na ang mga tao, tinanong Siya ng mga nakapalibot sa Kanya, na kasama ng Labindalawa tungkol sa mga talinghaga: “Bakit sa pamamagitan ng mga talinghaga ka nagsasalita sa kanila?”
At sinabi sa kanila ni Jesus: “Sa inyo ipinagkakaloob ang lihim ng kaharian ng Langit ngunit sa mga iyon na nasa labas, ang lahat ay sumasapit gaya ng talinghaga. Kaya tumitingin sila pero di nakakakita; nakaririnig pero di nakauunawa kaya naman di sila nagbabalik-loob at di pinatatawad.”
At sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi ninyo nauunawaan ang talinghagang ito, kaya’t paano ninyo mauunawaan ang iba pa? Ang Salita ang inihahasik ng manghahasik. Ang mga nasa tabi ng daan ay ang mga nahasikan ng Salita, na pagkarinig nila sa Salita ay agad na dumating ang Masama at inagaw ang nahasik sa kanila. Gayundin ang nahasik sa batuhan. Pagkarinig nila sa Salita, kaagad nila itong tinanggap nang buong kasiyahan. Ngunit hindi ito nagugat sa kanilang kalooban at panandalian lamang. Kapag nagkaroon ng pagsubok at pag-uusig dahil sa Salita, agadagad silang natitisod. May iba pang nahasik sa mga tinikan. Ang mga ito ang nakarinig sa Salita. Ngunit pinapasok ang mga ito ng mga makamundong kabalisahan, ng pandaraya ng kayamanan at ng iba pang mga pagnanasa. Sinikil ng mga ito ang Salita at hindi na nakapagbunga.
Ang mga buto namang nahasik sa matabang lupa ay ang mga nakarinig sa Salita at isinasagawa ito. At nagbubunga sila ng sandaan, animnapu o tatlumpu.”
Pagninilay:
Tanging ang binhi na inihasik sa matabang lupa ang mamumunga ng sagana. Mainam na suriin ang hardin ng ating kalooban at patuloy na bungkalin ang mabuting lupa ng ating mga puso. Nilikha tayo ng Diyos na may malinis na puso at busilak na kalooban. Hayaan nating tumubo at lumago ang binhi ng Mabuting Balita. Hayaan ang binhi ng pagpapatawad na lumago sa ating mga puso upang mamunga ng kapayapaan at kagalakan. Hayaan ang binhi ng pagpapakumbaba na tumubo sa ating mga puso upang masaganang makaani ng bunga ng pagpaparaya, pag-aalay at paglilingkod sa kapuwa. Hayaan ang binhi ng pag-asa na itanim sa ating mga puso upang umusbong ang katarungan, paggalang sa buhay at pagdamay sa nangangailangan. Tunay na buháy at kumikilos ang binhi ng Mabuting Balita, ang binhi ng Kaharian ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021