Ebanghelyo: Marcos 2:13-17
Muli siyang pumunta sa tabing-dagat at lumapit din sa Kanya ang lahat. Kaya nagturo Siya sa kanila.
Nakita naman Niya sa paglalakad si Levi na anak ni Alfeo, na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi Niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo ito at sinundan siya.
Habang nanunuluyan naman si Jesus sa bahay ni Levi, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang nakisalo kay Jesus at sa Kanyang mga alagad. Talaga ngang marami sila.
Ngunit may mga guro ng Batas namang sumusunod sa Kanya. Nang makita nila na nasa hapag Siya kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis, sinabi nila sa Kanyang mga alagad: “Ano! kumakain siyang kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis?”
Nang marinig ito ni Jesus, sinabi Niya sa kanila: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”
Pagninilay
Matagal-tagal na ring hindi pumapasok sa simbahan si Baldo. Ayon sa kanya, wala namang puwang ang mga taong katulad niyang “makasalanan” sa simbahan. Ito ay para lamang sa mga kaanib ng iba’tibang “samahang banal.” Subalit noong Linggong iyon, binisita siya ng ilang seminarista sa kanilang bahay upang kumustahin. Wala silang pinag-usapang gawaing simbahan. Hindi siya inusisa kung nagsisimba, nagdarasal o nagbabasa ba man lang s’ya ng bibliya. Isang karaniwang kwentuhan lamang at pagpapalagayang-loob habang pinagsasaluhan ang simpleng tanghalian. Sa sumunod na Linggo, matapos ang matagal na panahon, muling nagsimba si Baldo at nagpasalamat. Sa muling pagkakataon naramdaman niya mula sa “taga-Simbahan” ang pagtanggap at hindi mapanghusgang pakikitungo. Gayundin marahil ang naramdaman ni Levi sa panunuluyan ni Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021