Ebanghelyo: Marcos 1:14-20
Pagkadakip kay Juan, pumunta si Jesus sa Galilea. Doon Niya ipinahayag ang magandang balita ng Diyos sa pagsasabing “Sumapit na ang panahon; magbagongbuhay at maniwala sa magandang balita; lumapit na nga ang Kaharian ng Langit.”
Sa pagdaan ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, nakita Niya si Simon kasama si Andres na kapatid Niya na naghahagis ng mga lambat sa lawa; mga mangingisda sila. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Halikayo, sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.” Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa Kanya.
Nagpatuloy pa Siya nang kaunti, nakita naman Niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo; nasa bangka sila at nagsusursi ng kanilang lambat. Tinawag sila ni Jesus. Agad nilang iniwan sa bangka ang kanilang amang si Zebedeo kasama ang mga tauhan nito, at umalis silang kasunod Niya.
Pagninilay
Natapos na ang Panahon ng Kapaskuhan at muli tayong pumapasok sa Ordinaryo o Karaniwang Panahon. Patuloy tayong makikilakbay kapiling ang mga salita at gawa ni Jesus sa Banal na Ebanghelyo. Sa ating pagbasa, tinawag ni Jesus ang una niyang mga alagad mula sa karaniwang sitwasyon ng kanilang buhay. Sila’y nangingisda at ang iba’y nag-aayos ng kanilang bangka at lambat. Nangugusap din ang Panginoon sa karaniwang araw ng ating buhay. Kung nasaan tayo sa kasalukuyan at kung ano ang ating ginagawa at pinagkakaabalahan, doon niya tayo tinatawag. Nawa ay maging bukas tayo at patuloy na makita at madama ang presensya ni Jesus na palaging nangungusap sa atin. Kahit hindi na panahon ng Kapaskuhan. Kahit panahon na ng Karaniwan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021