Ebanghelyo: Lucas 5:27-32
Pagkatapos nito, nang lumabas si Jesus, nakita Niya ang isang kolektor ng buwis na nagngangalang Levi na nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi Niya rito: “Sumunod ka sa akin.”
Tumayo naman ito, iniwan ang lahat at sumunod sa Kanya.
Naghandog sa Kanya si Levi ng isang marangyang handaan sa Kanyang bahay at nakisalo sa kanila ang maraming kolektor ng buwis at iba pang tao. Dahil dito’y pabulong na nagreklamo ang mga Pariseo at ang panig sa kanilang mga guro ng Batas sa mga alagad ni Jesus: “Bakit kayo kumakain at umiinom kasama ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” Sumagot naman si Jesus at sinabi sa kanila: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit. Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan tungo sa pagbabalik-loob.”
Pagninilay
Ang pagsunod ay nangangailangan ng pakikinig—paano natin masusunod ang hindi natin narinig? Ito rin ay humihiling ng kapakumbabaan at pagbabalikloob—upang pahintulutan ang Diyos na magsalita sa atin at maging bukas upang mabago sa pamamagitan ng kanyang salita. At, sa huli, ito ay nangangahulugan ng pagsasakatuparan ng narinig natin.
Sa panahong ito ng Kuwaresma, pinapaalalahanan tayo na ang ating pananampalataya sa Panginoon ay nangangahulugan ng pagsunod natin sa kanya. Ito ay napakalinaw sa mga pagkilos ni Mateo o Levi sa ating Ebanghelyo. Nang marinig niya ang salita ng Panginoon “sumunod ka sa akin”, hindi siya nag-atubili. Tumayo siya at sumunod sa kanya. Ito ay isang ganap na pagsunod, nagmumula sa isang puso na tunay na nagbagong-loob.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020