Ebanghelyo: Mateo 5:38-48
Narinig na ninyo na sinabi: Mata sa mata at ngipin sa ngipin. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag ninyong labanan ng masama ang masama. Kung sampalin ka sa kanang pisngi, ibaling ang mukha at iharap ang kabilang pisngi.
Kung may magdemanda sa iyo para kunin ang iyong sando, ibigay mo pati ang iyong kamiseta. Kung may pumilit sa iyong sumama sa kanya nang isang kilometro, dalawang kilometro ang lakarin mong kasama niya. Bigyan ang nanghihingi at huwag talikuran ang may hinihiram sa iyo.
Narinig na ninyo na sinabi: Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin ninyo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang mga umuusig sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak niya ang ulan sa kapwa makatarungan at dimakatarungan.
Kung mahal ninyo ang nagmamahal sa inyo, anong gantimpala meron kayo? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga kolektor ng buwis? At kung ang mga kapatid ninyo lamang ang inyong binabati, ano ang naiiba rito? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano?
Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.
Pagninilay
Normal sa panahon ni Jesus ang magmahal at magpatawad na ipinangaral ng mga Gurong hudyo. Ngunit ang pag-ibig at pagpapatawad ay limitado sa kanilang mga kapwa hudyo. Ang kaaway ay kinasusuklaman. Dahil dito, nauunawaan natin ang radikalidad ng pangangaral ni Jesus. Bilang mga alagad, tinatawag tayong maging katulad ni Kristo sa ating buhay. Normal lamang na ayaw natin ang mga sumasalungat sa atin; katulad tayo ni Kristo kung pinipili na hanapin kung ano ang nagbubuklod sa atin. Normal na ipagtanggol ang mga ari-arian, ating teritoryo, ang ating pamilya; katulad tayo ni Kristo kung mas pinipili natin na makipag-usap at makipagpalitan ng mga ideya. Si Jesus ay tuwid mangusap; humihingi siya ng higit sapagkat mas higit pa ang kanyang binibigay. Nais niya na ang mga disipulo ay magkaroon ng kakayahang sumaksi sa kabanalan ng Ama. Hindi dumating si Jesus upang baguhin ang daan patungo sa Ama. Sa halip, dinadala niya ito sa kaganapan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020