Ebanghelyo: Mateo 16:13-19
Pumunta noon si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong Niya ang Kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.”
Sinabi Niya sa kanila: “Ngunit sino ako para sa inyo?” At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Sumagot naman si Jesus: “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit.
At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hindinghindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.”
Pagninilay
Ang kapistahan ngayon ay isang pagkilala kay Pedro at ang kanyang mahalagang papel ng pagtuturo at pangangaral (bilang simbolo ng Luklukan). Sa plano ng Panginoon, malinaw ang tungkulin: Si Pedro ay tinawag upang maging isang guro at tagapag-alaga, isang sanggunian para sa mga kapatid sa unang Simbahan. Ang gawain ni Pedro ay ipagpatuloy ang pananampalataya, pangalagaan ito, at panatilihin mula sa makasarili at indibidualistikong interpretasyon na hindi tapat sa mga bilin ni Kristo. Ang luklukan ni Pedro ay simbolo ng misyon ni Kristo na ibinigay sa mga apostol kung saan siya ang pinuno. Ito ay naging bato na nagpapanatili sa Simbahan habang naglalakbay sa mga panahong walang katiyakan. Ipinagdiriwang natin ang pagkakaisa ng pananampalataya na pinangalagaan ni Pedro, ang pagkakaisa ng buong Simbahan sa misyon nito na ipagpatuloy ang gawain ng Panginoon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020