Ebanghelyo: Marcos 8:14-21
Nakalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay at isa lang ang dala nila sa bangka. At pinagsabihan sila ni Jesus: “Mag-ingat at huwag magtiwala sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes.” At sinabi ng mga alagad sa isa’t isa: “Oo nga, ano? Wala tayong dalang tinapay.”
Alam ni Jesus ang mga ito kaya sinabi niya sa kanila: “Bakit ninyo pinag-uusapan ang tinapay na wala sa inyo? Hindi pa ba ninyo maisip at maunawaan? Mapurol ba ang inyong pag-iisip? May mata kayong di nakakakita at may taingang di nakakarinig? Hindi na ba ninyo naaalala
nang pinira-piraso ko ang limang tinapay para sa limang libo, ilang basket na puno ng mga pira-piraso ang inyong naipon?” At sumagot sila: “Labindalawa.” “At nang may pitong tinapay para sa apat na libo, ilang bayong na puno ng mga pira-piraso ang inyong naipon?” At sumagot sila: “Pito.” At sinabi ni Jesus: “Hindi pa ba ninyo nauunawaan?”
Pagninilay
Ang mga alagad ay nagsisikap na sundin si Jesus sa kabila ng kanilang pag-aalinlangan. Ganun pa man, sinunod nila ang Panginoon; nabighani sila habang nakikinig sa kanya at nakita ang mga himalang kanyang ginawa.
Ngunit makitid pa rin ang kanilang pag-iisip na mahigpit na nakakapit sa kanilang sariling pananaw. Kaya pinayuhan sila ni Jesus at inanyayahan
na huwag maakit sa lebadura ng mga Pariseo at ni Herodes. Si Herodes ay gumamit ng relihiyon para sa kaniyang pansariling mga pampulitika at personal na hangarin. Sa kasamaang palad, maraming mga tao pa rin na tinitingnan ang pananampalataya ayon sa kanilang personal, kultural at panlipunang dimensyon. Nangangatuwiran ayon sa mga pansariling pamantayan, inuuna ang ating pansariling mga benepisyo. Lahat tayo ay nagkakasala kapag iniisip natin ang Diyos bilang isang bagay o isang tao na nagbibigay lamang sa atin ng kapakinabangan. Hindi ito ang pananampalataya na iniaalok ni Jesus. Hindi ito ang mukha ng Diyos na dumating upang ipahayag ang pagdating ng Kaharian.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020