Ebanghelyo: Marcos 7:31-37
Umalis si Jesus sa lupain ng Tiro at dumaan sa Sidon papunta sa lawa ng Galilea. Pagdating niya sa lupain ng Decapolis, may mga nagdala sa kanya roon ng isang bingi na halos di makapagsalita. At hiniling nila kay Jesus na ipatong dito ang kamay.
Matapos siyang ihiwalay ni Jesus sa mga tao, inilagay niya ang kanyang daliri sa tainga ng tao at dumura at saka hinipo ang kanyang dila. At tumingala siya sa langit, nagbuntung-hininga at sinabi: “Ephphata,” na ang ibig sabihi’y “Buksan”. Nabuksan ang mga tainga ng tao at biglang nakalag
ang dila niyang nakabuhol kaya nakapagsalita siya nang tuwid.
Tinagubilinan sila ni Jesus na huwag sabihin ito kaninuman ngunit habang pinagbabawalan sila, lalo naman silang nagpapahayag. Labis na namangha ang mga tao at sinabi nila: “Pinaiigi niya ang lahat: nakaririnig ang bingi at
nakapagsasalita ang pipi.
Pagninilay
Ano ang umaakit sa iyo kay Jesus? Ang mga tao sa ebanghelyo ay lumapit kay Jesus dahil naririnig nila ang kanyang kapangyarihang makapagpagaling. Gayunpaman, lumalapit sila kay Jesus hindi para sa kanilang sarili kundi para sa kapakanan ng taong bingi at pipi. Tiwala sila na maaaring pagalingin ni Jesus ang lalaki. Ang kanilang pagsisikap ay ginantimpalaan–ibinalik ni Jesus sa lalaki ang kanyang kakayahang makarinig at magsalita. Ilang tao ang nilapit natin kay Jesus para pagalingin? Kung ang aking layunin sa paglapit kay Jesus ay para sa aking pansariling kapakinabangan o para sa iba, positibong tumutugon si Jesus. Ang pagpapagaling sa mga maysakit ay pagpapakita ng kanyang pagmamahal sa atin; ito ay pag-ibig na may pagkilos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020