Ebanghelyo: Mateo 4:18-22
Sa paglalakad ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon na tinawag na Pedro at Andres na naghahagis ng mga lambat dahil mga mangingisda sila. Sinabi niya sa kanila: “Halikayo, sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.” Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya. Nagpatuloy siya sa paglakad at nakita naman niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka sila kasama ng kanilang amang si Zebedeo at nagsusursi ng kanilang lambat. Tinawag sila ni Jesus. Agad nilang iniwan ang bangka nila at ang kanilang ama, at nagsimulang sumunod sa kanya.
Pagninilay
Ang tawag ng mga alagad ay nakaugat sa panawagan ni Jesus at ito ang magbabago ng kanilang buhay magpakailanman. Hindi lamang sila nakinig sa paanyaya ni Jesús, kumilos din sila agadagad. Kaya iniwan nga nila ang lahat at sumunod sa kanya. At itinuro ni Jesus sa mga alagad ang isang bagong paraan ng pamumuhay. Hilingin natin sa Panginoon na ituro niya sa atin ang landas na dapat nating tahakin. Nawa’y sumunod tayo kay Jesus gaya ng mga unang alagad, na nagtalaga ng kanilang sarili para paglilingkod sa kapwa at pag- ibig sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020