Ebanghelyo: Lucas 21:20-28
Kung makita ninyong nakubkob na ng mga hukbo ang Jerusalem, alamin ninyong sumapit na ang kanyang pagkawasak. Kaya tumakas pa-bundok ang mga nasa Judea, umalis ang mga nasa lunsod, at huwag nang bumalik doon ang mga nasa bukid. Sapagkat ito ang mga araw ng paghihiganti sa kanya para matupad ang lahat ng nasa Kasulatan. Sawimpalad ang mga nagdadalantao o mga inang nagpapasuso sa mga araw na iyon. Sapagkat matindi ang sasapit na kapahamakan sa lupain at ang galit sa bayang ito. Mamamatay sila sa tabak, dadalhing bihag sa lahat ng bansa, at yuyurakan ng mga bansang pagano ang Jerusalem hanggang mabuo ang panahon ng mga bansa. Magkakaroon ng mga tanda sa araw, buwan at mga bituin. Sa lupa’y mangangamba ang mga bansa dahil sa ugong at alon ng dagat, at wala silang magagawa. Hihimatayin ang mga tao dahil sa takot at pagkabahala sa mga sasapitin ng sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga puwersa ng sanlibutan. At makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa ulap na may Kapangyarihan at ganap na Luwalhati. Kung magsimula nang maganap ang mga ito, tumindig kayo at tumunghay dahil palapit na ang inyong katubusan.”
Pagninilay
Araw-araw sa mga talatang ito ng Ebanghelyo ay nakikipagusap si Jesus sa kanyang mga disipulo at binabantayan sila laban sa mga sakuna. Kung siya ay nangangaral ngayon, marahil ay ang tinutukoy niya ay ang bomba nukleyar, ang madalas na mga kalamidad dahil sa pagbabago ng klima, atake ng teroristang ISIS, mga digmaan at iba pang karahasan. Sa kabila ng lahat ng ito, sinasabi ni Jesús na huwag tayong mangamba at mawalan ng pag-asa. Ang Diyos pa rin ang may hawak sa kasaysayan ng sangkatauhan at sa wakas ay magbubunga ito ng mabuti – ang ating kaligtasan at muling pagkabuhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020