Ebanghelyo: Lucas 16:9-15
Kaya sinasabi ko sa inyo: gamitin ninyo ang di-matuwid na Perang-diyos para magkaroon ng mga kaibigan para sa pagkaubos nito’y tanggapin naman nila kayo sa walang hanggang mga tahanan. Ang mapagkakatiwalaan sa maliliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaki, at ang di mapagkakatiwalaan sa maliliit ay di rin mapagkakatiwalaan sa malalaki. Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa di-matuwid na pera, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa mga bagay na hindi talaga sa inyo, sino pa kaya ang magbibigay sa inyo ng talagang inyo? Walang katulong na makapagsisilbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian niya ang isa at mamahalin naman ang isa pa, o magiging matapat sa isa at mapababayaan ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa pera.” Naririnig ng mga Pariseo ang lahat ng ito. Sakim sila kaya pinagtatawanan nila siya. At sinabi ni Jesus sa kanila: “Ginagawa ninyo ang lahat para magmukhang mabuti sa paningin ng mga tao ngunit alam ng Diyos ang inyong mga puso. At kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang mataas sa mga tao.
Pagninilay
Tunay ngang hindi maaaring maglingkod sa Diyos at sa pera. Tanda ko pa ang isang kakilala kong mayaman. Araw’t gabi ay abala siya sa kanyang negosyo at kahit na linggo’y trabaho pa rin ang pinagkakaabalahan niya. Hanggang sa dumating ang panahon na siya’y nagkasakit at malapit na sa bingit ng kamatayan. Sa sandaling yaon ay namulat ang kanyang mga mata sa katotohanan at nangakong bumalik sa Panginoon at maglingkod sa kapwa maibalik lang ang kanyang kalusugan. Sa awa ng Diyos, nangyari nga ang kanyang hiniling. Simula noon ay naging maliwanag sa kanya na ang Panginoon ang dapat mauna sa kanyang buhay higit pa sa anumang bagay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020