Ebanghelyo: Juan 1:47-51
Nakita ni Jesus si Natanael na palapit sa kanya at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan, isang totoong Israelitang walang pagkukunwari.” Sinabi sa kanya ni Natanael: “Paano mo ako nakilala?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng punong-igos, nakita na kita.” Sumagot si Natanael: “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” Sumagot si Jesus: Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng punong-igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo.” At idinugtong ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong bukas na ang langit at panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.”
Pagninilay
Noong sinabi ni Jesus kay Nataniel na makikita niya ang mga anghel ng Diyos na panhikpanaog sa Anak ng tao, ang ibig Niyang sabihin, walang magkukulang sa kanya sapagkat tutulungan siya ng Diyos sa pamamagitan ng mga anghel (Gen 28:10). Mga mensahero sila ng Diyos, at naging tagapamagitan Niya sa atin. Tinutulungan nila tayo at nagbibigay saksi sa mga kayang gawin ng Diyos. Ang ibig sabihin ng Miguel, “walang katulad ang Diyos,” ang ibig sabihin ng Gabriel, “ang Diyos ang aking lakas”, at ang ibig sabihin ng Rafael, “Manggagamot ng Diyos.” Naniniwala ka ba sa mga anghel? Ipinagdarasal mo ba sila? Malapit lang sila sa atin at handa silang tumulong sa ating mga pangangailangan. Ngayong kapistahan nila, ipanalangin natin sila lalo na sa anghel na naging ating gabay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020