Ebanghelyo: Lucas 6:39-42
Sinabi rin niya sa kanila ang isang talinhaga: “Puwede nga kayang akayin ng isang bulag ang isa pang bulag? Di ba’t kapwa sila mahuhulog sa kanal? Hindi higit sa kanyang guro ang alagad. Magiging katulad ng kanyang guro ang ganap na alagad. Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid: ‘Kapatid, pahintulutan mong alisin ko ang puwing sa mata mo,’ gayong hindi mo nga makita ang troso sa mata mo? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa mata mo, at saka ka makakakitang mabuti para alisin ang puwing sa mata ng kapatid mo.
Pagninilay
Bakit kaya minsan hindi epektibo ang ating mga payo sa nagkakamali o ang ating mga salita upang iwasto ang maling gawain? Siguro dahil may kalayaan naman ang nakikinig sa atin na makinig o hindi. Pero posible rin na dahil hindi ang pagmamahal ang tumutulak sa ating iwasto ang mali. Hilig ni San Pablo ang pagbabahagi ng ebanghelyo. Iniingatan niya na huwag bumagsak, siya na nangangaral sa iba. Hindi naman mabuti na naunahan siya sa pagiging alagad ni Jesus ng mga tinuruan niya sa dahilan hindi tiyak ang kanyang pagtakbo. Epektibo ang pangangaral ni San Pablo hindi dahil banal na siya noon, kundi dahil sinubukan niyang isabuhay ang kanyang itinuro, at ang tawag niya bilang apostol ang nagtulak sa kanya na tulungan ang kapwa para lalo siyang lumapit sa Panginoon. Sino ang kailangan ngayon ng ating mga salita?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020