Ebanghelyo: Mateo 21:28-32
Nagpatuloy si Jesus: “Ano sa palagay ninyo? May dalawang anak ang isang tao. Lumapit siya sa isa at sinabi: ‘Anak, pumunta ka ngayon at magtrabaho sa aking ubasan.’ Sumagot ang anak: ‘Ayoko.’ Ngunit pagkatapos ay nagbagong-isip siya at pumunta. Pinuntahan din ng ama ang pangalawang anak at gayundin ang sinabi. Sumagot naman ang anak: ‘Opo.’ Pero hindi siya pumunta.” At itinanong ni Jesus: “Sino sa dalawang anak ang tumupad sa gusto ng ama?” Sumagot sila: “Ang una.” At sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: mas nauuna sa inyo patungo sa kaharian ng Langit ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Dumating nga si Juan para ipakita sa inyo ang daan ng kabutihan pero hindi kayo naniwala sa kanya, samantalang naniwala naman ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Nakita ninyo ito at hindi kayo nagsisi o naniwala sa kanya.
Pagninilay
Kung itatanong ko sa aking sarili: “Sa dalawang anak, sino ako?” Madalas ako ay katulad ng anak na nagbigay ng matamis na “Opo” sa Panginoon pero hindi magawang tuparin ang ipinangako. Mas gusto ko na maging katulad ng anak na sa una’y umayaw sa utos ng ama, ngunit pinag-isipan niya ng maayos ang kanyang sagot at sa bandang huli nagpunta sa ubasan. “Nagbagong-isip siya”, ang sabi ng Ebanghelista na si Mateo. Sa wikang Griego, “metanoia” ang pangdiwa na ginamit ni Mateo sa Ebanghelyo. Ano naman ang metanoia? Ito ang pagbabago ng paningin, pagbabago ng akala tungkol sa isang bagay, o pagsisisi tungkol sa inisip o ginawa. Ang mabubuting gawain ay nagsisimula sa isip ng tao, sa pasya na gawin ang tama. Ganoon din ang kasalanan. May mga maling akala sa ating pag-iisip na kailangan ng metanoia, ng pagbabago o ng pagisisi?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020