Ebanghelyo: Mateo 5:1-12a
Nang makita ni Jesus ang makapal na tao, umahon siya sa bundok. Naupo siya roon at lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad. At nagsimula siyang magturo sa kanila: “Mapapalad ang mga may diwa ng dukha sapagkat sa kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad ang mga nagluluksa sapagkat pagiginhawahin sila. Mapapalad ang mga di-marahas sapagkat mapapasakanila ang lupain. Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat bubusugin sila. Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawaan sila. Mapapalad ang mga may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos. Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos. Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa inyo. Ganito rin pinag-usig ang mga propetang nauna sa inyo.
Pagninilay
Noong taong 2018, inilunsad ng Vaticano ang bagong dokumento ni Papa Francisco, ang Gaudete et exsultate: Sa Tawag sa Kabanalan sa Mundo Ngayon. Ito’y isang panibagong paanyaya sa ating mga Kristiyano sa kabanalan tulad ng mga santo’t santa, kung saan ang makapangyarihang patotoo nila’y inihayag sa kanilang buhay, silang maituturing nating Mapapalad. Dito, ang kabanalan ay ipinatutungkol sa mga dukha sa espiritu, sa mga maaamo, sa mga nagdadalamhati, nagugutom sa katuwiran, sa mga maawain, at malilinis ang puso. ‘Ang kabanalan ay walang iba kundi ang pag-ibig sa kapwa na isinabuhay nang ganap’. (Benedicto XVI) Magpakabanal nawa tayo araw-araw.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020