Ebanghelyo: Lucas 9:43b-45
Nang lubos na nagtataka ang lahat dahil sa mga ginagawa ni Jesus, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Itanim ninyong mabuti sa inyong pandinig ang mga kataga kong ito: ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao.” Hindi nila naintindihan ang pahayag na ito at nalingid ito sa kanila upang hindi nila maunawaan. At takot naman silang magtanong sa kanya tungkol sa pahayag na ito.
Pagninilay
Sa mga ebanghelyo walumput’ tatlong beses nababanggit ang pangalang “Anak ng Tao”. Madalas ganito ang tawag ni Jesus sa kanyang sarili. Madalas ding hindi nauunawaan ng mga nakakarinig sa kanya kung ano ang itinuturing niya. Ginagamit din sa Matandang Tipan ang pangalang “Anak ng Tao”. Sa aklat ni Daniel ang pangalang “Anak ng Tao” ay simbolo ng Bayan ng Diyos. Gustong iparating ni Jesus na ang misyon niya ay misyon din ng Bayan ng Diyos. Inaanyayahan niya tayong makibahagi sa kanyang misyon. Ngunit kailangang dumaan muna sa maraming paghihirap at sa kamatayan na may pagpapakumbaba, upang maranasan ang tagumpay ng muling pagkabuhay. Tara na, samahan natin si Jesus!
© Copyright Pang Araw-Araw 2020