Ebanghelyo: Lucas 14:15-24
Nang marinig ito ng isa sa mga kasalo, sinabi niya kay Jesus: “Mapalad ang makakasalo sa bangkete ng kaharian ng Diyos!” Sumagot si Jesus: “May isang taong naghanda ng isang malaking bangkete at marami siyang kinumbida. Sa oras ng handaan, pinapunta niya ang kanyang katulong para sabihin sa mga imbitado: ‘Tayo na’t handa na ang lahat.’ Ngunit parang sabay-sabay namang nagdahilan ang lahat. Sinabi ng una: ‘Bumili ako ng bukid at kailangan kong pumunta para tingnan iyon. Pasensya ka na.’ Sinabi naman ng isa: ‘Bumili ako ng limang pares na bakang pang-araro at pasusubukan ko ang mga ito. Pasensya ka na’ Sinabi ng isa pa: ‘Bagong kasal ako kaya hindi ako makakapunta.’ Pagbalik ng katulong, ibinalita niya ang lahat ng ito sa kanyang panginoon. Galit na galit ang may sambahayan at sinabi sa kanyang katulong: ‘Pumunta ka agad sa mga liwasan at mga lansangan ng lunsod, at papasukin mo rito ang mga dukha, mga bale-wala, mga bulag at mga pilay.’ At pagkatapos ay sinabi ng katulong: ‘Nagawa na ang ipinag-utos mo at may lugar pa rin.’ Sumagot sa kanya ang panginoon: ‘Lumabas ka sa mga daan at mga bakuran at pilitin mong pumasok ang mga tao para mapuno ang bahay ko. Sapagkat sinasabi ko sa inyo: walang sinuman sa mga ginoong iyon na kinumbida ko ang makatitikim ng aking handa’.”
Pagninilay
Ang imbitasyon ng Diyos ay mula sa puso. Ang pagmamahal ng Diyos, tulad ng isang masaganang piging, ay para sa lahat. Patuloy niya tayong inaanyayahan sa hapag ng kanyang kaharian. At ang takdang oras at lugar ay ngayon at dito sa mundong ating ginagalawan. Ang Diyos ay Diyos ng kasalukuyang panahon. Tayo ay humaharap sa buhay sa kasalukuyan; wala na ang nakaraan at ang hinaharap ay darating pa. At anumang galit ng Diyos ay hindi nagtatagal. Ang walang laman na mga upuan sa piging ay mapupuno ng mga taong hindi maaaring umasa ng isang paanyaya. Lahat tayo’y inaanyayahan na manalangin, magmahal at sumamba.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020