Ebanghelyo: Lucas 8:19-21
inuntahan naman siya ng kanyang ina at mga kapatid pero hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. May nagsabi sa kanya: “Nakatayo sa labas ang iyong ina at mga kapatid, at gusto kang makita.” Sumagot siya at sinabi sa kanila: “Ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at nagsasagawa nito, sila ang aking ina at aking mga kapatid.”
Pagninilay
May nagsasabing itinakwil ni Jesus ang kanyang ina nang sinabi Niya ito, pero sa totoo, pinuri Niya ang kanyang ina. Hindi lamang sa dugo ang kaugnayan ni Jesus kay Maria bilang kanyang ina, kundi sa pananampalataya. Ipinupunto ni Jesus na higit sa dugo ang kanilang kaugnayan, nakabase ito sa pagiging masunurin ni Maria. Sa lahat ng mga tao, si Maria ang unang nakinig at sumunod sa utos ng Diyos; siya ang tunay na “alipin” ng Panginoon. Samakatuwid, binuksan ni Jesus para sa atin ang isang bagong daan, para magkaroon tayo ng kaugnayan sa kanya, kay Maria, at sa bawat mananampalataya ng Diyos. Ipinangako na nga ni Jesus na tatanggap tayo ng “makasandaang ibayo” na mga kapatid, ama, ina at mga anak (cf. Mateo 19,29), at ang buhay na walang hanggan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020