Ebanghelyo: Mateo 13:54-58
Pumunta siya sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Saan kaya galing ang kanyang karunungan at natatanging kapangyarihan? Di ba’t siya ang anak ng karpintero? Di ba’t si Maria ang kanyang ina at sina Jaime, Jose, Simon at Judas ang kanyang mga kapatid? Hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae? Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito?” At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At kaunti lamang ang ginawa niyang himala roon sapagkat kulang sila sa pananampalataya.
Pagninilay
Sa wikang Griego, ang wika na ginamit ni Mateo nang sinulat ang kanyang Ebanghelyo, ay ang salitang “adelfos” na ibig sabihi’y “kapatid”, “pinsan”, at iba pang “kamag-anak” ng isang tao. Kaya “adelfos” – “kapatid” ang salitang ginamit ng ebanghelistang si Mateo nang nagsalita siya tungkol kina Jaime, Jose, Simon at Judas. Pero hindi sila mga anak nina Maria at Jose, kundi mga kamag-anak lamang. Nanatiling birhen si Maria sa pamamagitan ng isang espesyal na grasya, at kahit nag-asawa siya, hindi nagkaroon ng relasyon kay Jose. Kalooban ito ng Diyos dahil tinawag si Maria upang maging Ina ng Tagapagligtas. Kapag tinatawag ng Diyos ang isang tao para sa isang espesyal na misyon nagbibigay din Siya ng mga espesyal na grasya na kailangan upang maging matagumpay ang misyong ito. Anong grasya ang kailangan mo ngayon upang magtagumpay sa iyong misyon?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020