Ebanghelyo: Mateo 13:47-53
Sinabi ni Jesus, “Naihahambing din ang kaharian ng Langit sa isang malaking lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng kung anu-ano. Nang puno na ang lambat, hinila ito papunta sa pampang. At saka naupo ang mga tao at tinipon ang mabubuting isda sa mga timba at itinapon ang mga walang kuwenta. Ganito ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Lalabas ang mga anghel para ihiwalay ang masasama sa mabubuti; at itatapon sila sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.” At itinanong ni Jesus: “Nauunawaan ba ninyo ang lahat ng ito?” “Oo,” ang sagot nila. Kaya sinabi niya sa kanila: “Kaya bawat guro ng Batas na tinuruan tungkol sa Kaharian ay katulad ng isang ama ng tahanan na may tabihan, at laging may bago at luma sa tuwing kukuha siya.” Nang matapos ni Jesus ang mga talinhagang ito, umalis siya sa lugar na iyon.
Pagninilay
Sa lawa ng Tiberias may iba’t-ibang uri ng isda, at hindi naman lahat nakakain. Para sa mga Judio, may mga isdang nakakain, at may mga isdang “marurumi” (cf. Lev. 11,9-12). Pagkahila ng lambat at bago bumalik sa pampang, hiniwalay nila ang mga isda at itinapon ulit sa tubig ang mga “marurumi”. Ganyan din ang mangyayari sa katapusan ng mundo, kung saan ihihiwalay ng mga anghel ang mga mabubuting isda sa mga walang halaga. Saan kaya tayo ilalagay at mapapabilang? Kung anuman ang maging kilos natin ngayon, ito ang susundin ng Diyos sa kanyang paghuhukom. Kung ngayong araw na ito ang huling paghuhukom, saan ka kaya ilalagay ng Diyos? Ano pa ba ang kailangan mong gawin upang mapabilang ka sa mga mabubuting isda.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020