Ebanghelyo: Mateo 16:13-19
Pumunta noon si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.” Sinabi niya sa kanila: “Ngunit sino ako para sa inyo?” At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Sumagot naman si Jesus: “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.”
Pagninilay
Si Jesus ay pumanaog sa lupa upang ipahayag sa atin ang Mabuting Balita. Ang kanyang pagtatanong ay isang paraan upang mabatid kung tunay nga ba siyang nakikilala ng mga apostol. Ang pagkilala kay Jesus bilang Mesiyas ay napakahalagang elemento ng ating buhay pananampalataya bilang mga kristiyano. Bagamat si Pedro ang naunang nagpahayag nito sa labindalawa, ang pagkakakilalang ito ay binunyag sa kanya ng Amang nasa langit. Nawa’y gaya ni Pedro ay makilala rin natin si Jesus bilang Mesiyas, na sinugo ng Ama upang maghatid ng kaligtasan sa sanlibutan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020