Ebanghelyo: Juan 20:1-2, 11-18 (o Mateo 13:1-9)
Ngayon, pagkatapos ng Araw ng Pahinga, habang madilim pa, maagang pumunta sa libingan si Maria Magdalena, nang makita niyang tanggal ang bato mula sa libingan, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” Nakatayo namang umiiyak sa labas si Maria sa may libingan. Sa kanyang pag-iyak, yumuko siyang nakatanaw sa libingan. At may napansin siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, isa sa may ulunan at isa sa may paanan ng pinaglagyan sa katawan ni Jesus. Sinabi sa kanya ng mga iyon: “Ale, bakit ka umiiyak?” Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagay.” Pagkasabi niya nito, tumalikod siya at napansin niya si Jesus na nakatayopero hindi niya nakilalang si Jesus iyon. Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ale, bakit ka umiiyak? Sino’ng hinahanap mo?” Sa pag-aakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya: “Ginoo, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n’yo sa akin kung saan n’yo siya inilagay at kukunin ko siya.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Maria!” Pagkaharap niya’y sinabi niya sa kanya sa Aramaiko: “Rabbouni!” (na ibig sabihi’y Guro). Sinabi sa kanya ni Jesus: “Huwag kang humawak sa akin sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila: ‘Paakyat ako sa Ama ko at Ama ninyo, sa Diyos ko at Diyos ninyo.’”
Pagninilay
Labing dalawang beses binabanggit si Maria Magdalena sa apat na Ebanghelyo. Siya’y isang babaeng hudyo na nanggaling sa Magdala, isang bayan sa dalampasigan ng Lawa ng Tiberias. Isa siya sa mga babaeng tumulong financially sa grupo ng mga alagad at sumasama rin sa ministeryo ni Jesus (Lk. 8, 2-3). Si Maria Magdalena ang unang saksi ng muling pagkabuhay ni Jesus at siya din ang unang nagpayahag ng balitang ito. Nagluluksa pa si Maria nang nagpunta ito sa libingan upang pahiran ang bangkay ni Jesus. Sa sobrang lungkot niya hindi niya napansin na kaharap na niya pala ang Panginoon na buhay! Nang binanggit ni Jesus ang kanyang pangalan: Maria! saka lamang siya dumilat at nagkaroon ng pang-unawa tungkol sa nangyari. Tinatawag din tayo ni Jesus sa ating pangalan upang tayo rin ay maging saksi at magpahayag ng Mabuting Balita. Nawa’y matuto tayong pakinggan ang tinig mula sa langit.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020