Ebanghelyo: Mateo 8:1-4
Pagkababa ni Jesus mula sa bundok, maraming tao ang sumunod sa kanya. Lumapit sa kanya ang isang may ketong, at paluhod na nagsabi: “Ginoo, kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” Iniunat ni Jesus ang kanyang kamay, hinipo siya at sinabi: “Gusto ko, luminis ka!” Nang oras ding iyo’y gumaling ang lalaki sa kanyang ketong. At sinabi ni Jesus sa kanya: “Mag-ingat ka, huwag mong sasabihin ito kanino man, kundi pumunta ka sa pari para suriin ka niya at ialay ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay.”
Pagninilay
Sa ebanghelyo nabasa natin kung gaano kabait at maawain ang Diyos. Ang kailangan lang nating gawin ay magpakumbaba at hilingin sa kanya na tayo ay kanyang pagalingin. Tandaan natin na nais ng Diyos na tayo ay mapabuti, kaya dapat lamang na tayo’y magtiwala sa kanya. Ang pagpapagaling ng Diyos ay hindi lamang sa katawan o sa pisikal kundi pati na rin sa espirituwal. Walang imposible sa Diyos. Kahit na mukhang wala ng pag-asa o paraan, ang Diyos ay gumagawa ng paraan at ginagawang posible ang imposible para sa atin. Ang paanyaya lang sa atin ay sumampalataya sapagkat hindi natin makakamit ang ating layunin kung hindi tayo magtitiwala sa Diyos
© Copyright Pang Araw-Araw 2020