Ebanghelyo: Mateo 12:14-21
Pagkalabas ng mga Pariseo, nag-usap-usap sila kung paano nila siya masisiraan. Nalaman ito ni Jesus kaya lumayo siya sa lugar na iyon. Maraming tao ang sumunod sa kanya. Pinagaling niya ang lahat ng maysakit ngunit inutusan niya sila na huwag siyang ipamamalita. Kaya natupad ang sinabi ni Isaias, ang propeta: “Narito ang utusan ko na aking pinili, ang mahal ko na siya kong kinalulugdan. Ilalagay ko sa kanya ang aking Espiritu at siya ang magpapahayag sa mga bansa ng aking mga pasya. Hindi siya makikipagtalo o sisigaw, hindi maririnig sa mga liwasan ang kanyang tinig. Hindi niya babaliin ang sugatang tangkay o papatayin ang aandap-andap na mitsa. Hindi siya titigil hanggang magwagi ang katarungan. Ang kanyang pangalan ang inaasahan ng lahat ng bansa.”
Pagninilay
Natupad kay Jesus ang sabi ng propeta tungkol sa Mesiyas: Siya ang pinili ng Diyos, hindi siya titigil hanggang magwagi ang katarungan, inaasahan ng lahat ang kanyang pangalan, pinagagaling niya ang mga maysakit. Ito ang plano at programa ni Jesus bilang Mesiyas. Ang mga sumusunod sa kanya ay may bahagi din sa misyon ng Tagapagligtas. Kay ganda kung ang tingin natin sa ating komunidad ay bilang Messianic community. Maaaring ilagay din bilang plano at programa ng ating Christian community ang healing ministry, ang pagpapahayag ng Mabuting Balita, ang paggawa ng paraan para sa ipagkakasundo. Ngunit huwag po tayo umasa na magiging madali ang ating misyon dahil ang mismong misyon ni Jesus ay napakahirap: gusto ng mga Pariseo na siraan si Jesus, ang binasa natin sa Ebanghelyo. Ngunit huwag po tayo sumuko dahil sa mga suliranin: tayo’y utusan na pinili ng Diyos at sumasaatin ang Kaniyang Espiritu.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020