Ebanghelyo: Mateo 12:1-8
Naglakad noon si Jesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga. Nagutom ang kanyang mga alagad at sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kinain iyon. Nang mapansin ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay Jesus: “Tingnan mo ang iyong mga alagad, gumagawa sila ng ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga!” Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David noong magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal sa kanya o sa kanyang mga kasama na kainin ito liban sa mga pari. At hindi ba ninyo nabasa sa Batas na sa Araw ng Pahinga, walang pahinga ang mga pari sa Templo pero wala silang kasalanan dahil dito? “Sinasabi ko naman sa inyo: Dito‘y may mas dakila pa sa Templo. Kung nauunawaan ninyong talaga ang salitang ito, ‘Awa ang gusto ko, hindi handog,‘ hindi sana ninyo hinatulan ang walang-sala. “At isa pa‘y ang Anak ng Tao ang Panginoon ng Araw ng Pahinga.”
Pagninilay
Sa Aklat ng Genesis, nang nilikha ni Yahwe ang mundo, nakasulat na Siya’y nagpahinga sa ikapitong araw (Gen 2,2), ito ang itinuring na Araw ng Pahinga. Sa relihiyon ng mga Judio, iaalay ng tao ang banal na Araw na ito upang magpahinga at manalangin sa Diyos. Sa tagal ng panahong pinuno ng mga taong-Templo ang Araw na ito ng maraming batas na imbes na makatulong sa tao ay naging sanhi pa ng pagkakasala. Kaya gusto ni Jesus na turuan ang mga tao kung ano ba ang talagang mahalaga: ito ay hindi ang panlabas na pagsunod sa batas na umaalipin sa mga tao, kundi dapat ang pagiging malaya at mahabagin. Hindi kaya minsan ay nagiging judgemental din ang mga taongsimbahan kapag nakita niya ang kapwa niya na hindi sumusunod sa batas ng simbahan? “Awa ang gusto ko, hindi handog” – ito ay ang reminder sa atin ngayong araw na ito.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020