Ebanghelyo: Lucas 14:1, 7-11
Isang Araw ng Pahinga, pumasok si Jesus sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo para kumain, at minamanmanan naman nila siya. May talinhaga siyang sinabi nang mapuna niyang pinipili ng mga inimbita ang mga unang puwesto: “Kung anyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang lumagay sa unang puwesto. Baka may kinumbidang mas importante kaysa iyo, at darating ang kumumbida sa inyong dalawa para sabihing ‘Ibigay mo sa kanya ang puwestong ito.’ Kaya mapapahiya ka’t pupunta sa huling puwesto. Sa halip, kung anyayahan ka, sa huling puwesto ka pumunta sapagkat pagdating ng kumumbida sa iyo, sasabihin niya sa iyo: ‘Kaibigan, lumapit ka pa.’ Kaya mapararangalan ka sa harap ng lahat ng inanyayahan. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa.”
Pagninilay
Nais nating makapiling ang taong mapagpakumbaba dahil ipinapakita niya kung sino siya sa mata ng Diyos at bukas ang kanyang loob na magbahagi kung anong meron siya nang walang halong pagyayabang. Ito ang ipinapahayag ni Jesus sa ebanghelyo, na ang pagpapakumbaba’y isang paanyaya na tanggapin ang ating sarili bilang nilikha ng Diyos na puno ng pagmamahal. Wala na dapat tayong hanapin pa upang makamtan ang kanyang pagmamahal. Sa halip, ibahagi natin sa iba ang mga natatanging biyayang ipinagkaloob Niya sa atin upang magbigay puri sa Kanya’t maging instrumento ng kanyang dakilang pagmamahal dito sa mundo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020