Ebanghelyo: Lucas 14:1-6
Isang Araw ng Pahinga, pumasok si Jesus sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo para kumain, at minamanmanan naman nila siya. Nasa harap niya roon ang isang taong minamanas kaya nagtanong si Jesus sa mga guro ng Batas at mga Pariseo: “Puwede bang magpagaling sa Araw ng Pahinga o hindi?” Hindi sila umimik kaya hinawakan ni Jesus ang maysakit, pinagaling ito at saka pinauwi. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila: “Kung mahulog sa balon ang anak o ang baka ng isa sa inyo, di ba’t agad niya itong iniaahon kahit na Araw ng Pahinga?” At hindi nila siya nasagot.
Pagninilay
Sa ebanghelyo, ipinapakita sa atin ang katotohanan na ang paraan ni Jesus ay hindi tungkol sa pagiging relihiyoso kundi ang pagkakaroon ng habag sa kapwa. Ang pagkilala kay Jesus at ang pagsunod sa kanya ang siyang nagdadala sa atin sa Diyos. Pinatunayan niya na siya’y malayang kumilos upang magbigay kagalingan sa mga may sakit at kapansanan. Hindi siya nagpasailalim sa batas na umaalipin sa tao. Sa halip, binigyan niya ang tao ng laya at buhay. May mga mahihirap na sandali sa buhay natin kung saan dapat pumili sa pagitan ng malubhang pangangailangan sa kapwa at ng sulat ng batas. Ano ang pipiliin natin?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020